Kung mamatay man ako, hayaan mo na mahalin kita. Hayaan mo na ang apoy ng pag-ibig sa akin ay mag alab. Hayaan mong yakapin kita sa aking isipan, panaginip at mga pangarap. Dahil mayroon lamang na isang ikaw sa buhay ko, isang ikaw na lagi na sa isipan ko, isang ikaw sa aking larawan ng hinaharap, isang ikaw na lagi sa aking puso ko. Sinabi ko noon sa aking tula, “Sa langit ikaw ang sinugo sa akin.” Ngunit mali ba ang sinambit ng aking tula? Ikaw ba ay hindi sinugo, isang anghel na naligaw lang pala? Ngunit kung mamatay man ako, hayaan mo malaman ko sa huling sandali kung para saan din ang yakap na binigay? Ang tingin na maalam, may pag-ibig, may kinang at nagtatanong tungkol sa pag-ibig ko sayo? Ano ang araw-araw natin na pag-uusap? Ano ang mga ngiti na binibigay mo habang ikaw ay sa akin nakatingin habang ako ay nangungusap? Ito ba ay mga imahinasyon ko lang? Mali ba na nagsimula ko na din na isipin na sa akin ikaw ay mayroong pagmamahal? Ako lang ba sa haba ng panahon ang nagmahal? Ako lang ba sa haba at dami ng mga pagkakataon ang nagpakita ng pakialam, kalinga higit sa lahat ang nag nais na sa buhay ko hanggang matapos ito ay ikaw ang makasama? Oo! Nahihiya ako magtanong sayo, ngunit ngayon ang mga tanong na di ko nasabi sayo ngayon ang sumasakal sa akin. Ito ang mga tanong na kumakayod sa isipan ko na wala akong matinong sagot na mabigay kundi sinasabi ko lang din sa sarili ko ang isang sagot na di ako sigurado na sinungaling ka. Sinungaling ka ng sinabi mo na di mo ako mahal. Dahil kung di mo ako mahal, para saan yung mga ngiti mo na kay tamis na di mo binigay sa iba kundi sa tuwing ikaw lang ay nakatingin sa akin na tila ba ang lahat ng mga bituin sa langit ay nagtago sa iyong mga mata at nagsimula itong kuminang ng magtama an gating mga paningin? Bakit mo din sasabihin sa akin na “ang sarap magmahal.” nang mabasa mo ang mga sulat ko ng pag-ibig na alam mo na sa iyo? Para saan lahat ng ito? Pinakita mo lang ba at ginawa ang mga ito para lituhin ang puso ko na alam na alam mo naman higit sa lahat ng kung umibig ay sukdulan at labis. At sa araw na kung mamatay man ako, sana nandoon ka. Dahil sa araw na iyon ay tiyak na tiyak ko na mahal parin kita, hindi ako magsasabi ng anumang masakit na salita. Sasabihin ko lamang lahat ng pagmamahal na nasa puso ko para sa iyo. Dahil ang pag-ibig ay hindi galit. Ang pag-ibig ay tamis at hindi pait. At sa araw na iyon, hayaan mo na malimot ko ang bawat sakin at kadiliman na nararamdaman ko ngayon. Kadiliman na nanunoot sa aking kalamnan na tila ba isang lason na aking nilalabanan; at sa araw na iyon, kahit huli at sumandali na, bago ko ibigay ang huli kong hininga, sana masabi mo sa akin habang nakatingin ka sa aking mga mata, na minamahal mo din ako sinta.

Advertisements