Tags

, , , ,

Sa bawat paghinga ko, hindi ko malaman ano ba ang sumasama sa bawat paghinga. May kirot at sakit na para bang sa bawat pag hinga ko, mamatay na ako. Para din sinasaksak ang puso ko na nanliliit na ito dahil sa bawat sakit na nararamdaman niya: sakit na pauli-ulit, sakit na parang walang katapusan. “Mamatay ka na. Mamatay ka na. Mamatay ka na.” Paulit-ulit ko itong naririnig sa bawat tibok ng puso ko na may hilang sakit, kirot at pait. “Tama na! Tama!” Pagmamakaawa ng puso ko. Ngunit wala akong magawa upang maibsan ang sarili ko na nararamdaman. Hindi ko alam paano ko ba aalisin ang sakit at kirot na nanakit sa aking dibdib. Hindi ko alam paano matulungan ang aking sarili sa sitwasyon na kahit na sino ay hindi naman gugustuhin na maparoon. Gusto ko magtago sa sarili kong nararamdaman, kaya sa aking pagtulog, ako ay nagsusumiksik sa gilild. Nagsusumiksik ako sa gilid na kahit alam ko walang mangyayari ay para bang sa lugar na yon lamang ako makakaramdam ng kapayapaan: ngunit, sa aking pagsususmiksik. Sumusunod parin sa akin ang gusto ko matakas-takasan. Sinusundan parin ako ng sakit ng dibdib, nandoon parin ang bawat kurot, nandoon parin ang bawat pait sa aking nararamdaman, nandoon parin ang lahat, ni kaunti ay hindi man lang nabawasan. Nililibang ko nalang ang aking sarili sa mga paglalaro sa aking isipan na balang araw ay matatapos narin ito. Balang araw. Ngunit, kalian ba ang balang araw na iyon? Hindi ba at anim na taon na ako naglulugmok sa lungkot? Hindi ba anim na taon na ako umaasa na may magbabago? Hindi ba’t anim na taon na ako nag iisip, na balang araw, yung inaasam ko na pagtakas kung nasaan man ako ngayon ay makakatakas ako. Ngunit bakit parang ang balang araw na hinihintay ko ay baka isang larawan na ginuhit sa hangin. Na pagkatapos iguhit ay nabura at tinangay na kung saan. “Walang balang araw!” Sigaw ng isipan ko. “Hindi kaya’t mamatay ka nalang ganyan? Wala kang pag-asa.” Dagdag pa niya. Sa masikip at madilim ko na daigdaig na kung saan, sa sulok na pinagtataguan ko ay natagpuan ko na wala parin akong kakampi. Ako ay naging isang api sa sarili kong daigdig. Samantalang ang iba ay may magagandang larawan na ginuguhit sa kanilang mga kaisipan. Ako na isang alagad ng sining ay nawalan ng kakayahan. Wala na akong makitang liwanag sa isipan ko; at sa puso ko, tila ba’t natakot ito dumilat. Tila ba ang bawat pagbalik tibok ng puso ko ay pagbalik mula sa kamatayan sa buhay upang maranasan ang sakit. Ako ay naging walang laya sa sarili kong daigdig. At lahat ng dumadaan ay hangin na walang damdamin, isipan at mga mata kung ano ba ang tunay kong kalagayan. Gusto ko tumakas ulit, gusto ko magtago sa aking sarili. Ngunit, saan ako tutungo? Sa kawalan ng kasiguraduhan, o patungo na lamang sa kamatayan?

Advertisements